Wala na nga yatang pag-asa na maayos ang away sa pagitan nina Sunshine Cruz at hipag nitong si Maria Mercedez “Ched” Manhilot Cantu, na kapatid ni Cesar Montano.

Noong nakaraang Martes, pormal na nagsampa ng two counts of libel si Sunshine Cruz sa San Juan Prosecutors’ Office laban kay Ched dahil umano sa mga mapanirang pahayag ng huli laban sa aktres.

Ang mga mapanirang pahayag ay ikinakalat umano ni Ched sa Internet partikular sa social networking website na Friendster.

Pahayag ni Sunshine Cruz - “Hindi ko na kaya. This been going on for so long and I kept quiet. So now it’s time for me to do something kasi pagrabe na nang pagrabe at kumakalat at ikinakalat ang hindi dapat ipagkalat.”

“Any person has a right to be protected against the attack on his name… against his name…his dignity and his profession,” ayon sa abogado ni Sunshine na si Atty. Bonifacio Alentajan.

Sinabi pa ni Sunshine na noong pang 2005 ay nakakatanggap na sila ng kanyang asawang si Cesar ng mga mapanirang salita sa mga e-mail mula kanyang hipag na nakabase sa Italy.

“She thinks na I don’t deserved Cesar as a husband. I believe that she needs psychiatric help,” pahayag ng aktres.

Ipinaalam naman daw ni Sunshine kay Cesar ang kanyang pagsasampa ng kaso laban hipag. Ano naman kaya ang mensahe sa kanya ng aktor?

“(Ang sabi nya) Alam mo dapat kung anong tungkulin mo bilang asawa ko at bilang tatay ng mga anak ko na nasasaktan sa panahon ito,” pagbahagi ni aktres.

Nilinaw din ni Sunshine na wala siyang balak na magsampa ng annulment kahit napapabalita na nagkakalabuan sila ni Cesar.